Wednesday, December 31, 2008

Last of "you" for Today Part IV


"tignan mo ang sarili mo, dapat sa edad mong iyan may sarili kang pamilya, may asawa, mga anak, masayang family portrait. Ngunit hindi ko naibigay iyon sa iyo"

"Ngunit hindi naman iyon ang hinihingi ko eh, lumaki ako na hindi nakatingin sa aking papupuntahan, nakatutok ako sa daan na aking tinatahak, ayokong madapa, ayokong iyakan ang bagay na inaasahan kong dumating ngunit hindi napasaakin."

"Makinig ka, nararamdaman ko na pahina na ng pahina ang aking katawan, tingin ko hanggang dito nalang ako, pagnawala ako, gusto ko humanap ka ng iba, ng totoong magpapasaya sa iyo, bibigyan ka ng magandang kinabukasan, makukulit na mga anak..."

Hindi pa man sya tapos magsalita ay pinutol ko na ang kanyang sinasabi.

"Pwede ba? wag kang magsalita ng ganyan, kung mamamatay ka ngayon, uunahan na kita, tatalon ako sa bintana. Ang tagal na nating magkasama, nasanay na ako na kasama ka, kung mawawala ka, para akong mawawlan ng kamay, ng paa, parang mawawalan ako ng hangin na ihihinga. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin pag nawala ka."

"Kaya mo yan, ikaw pa." sabay ngiti.

Napatalikod nalang ako habang umiiyak. Nasigawan ko tuloy siya "Uminon ka magisa ng gamot mo!!" Sabay takbo sa kusina.

Ilang sandali lang ay tumahimik ang paligid, sa oras na iyon naramdaman ko na bumitaw na nga siya, iniwan na nya ako. Iniwan na ako ng makasarili kong kasintahan.

Ngayon nagiisa na ako, edad trenta, di ko alam kung ano na ang susunod na kabanata para sa aking buhay, marahil magsisimula ulit ako. Isipin nalang natin na ako ay isang estudyante sa kolehiyo na kakatapos ng ng aking kurso. Ayun, sa ganoon ako maguumpisa.
Una ay babalik ako sa aming probinsya, bibisitahin ko ang aking magulang, sampung taon ko rin silang hindi nakita. Sampung taon silang walang balita sa akin, baka ang akala na nga nila ay patay na ako, alam ko magugulat sila. Hindi rin nila alam ang tungkol sa nangyari sa akin, ang pakikipag relasyon ko sa kapwa ko lalake, ito na ang panahon para magtapat sa kanila, matanda na ako at may sapat na lakas ng loob para sabihin ang mga bagay na ito sa kanila. Iki-kwento ko sa kanila ang lahat tungkol kay Joseph, mga napagdaanan naming dalwa, mga natutunan ko sa kanya, lahat ng detalye tungkol sa kanya.
At kung sakali man na ako ay mag-aasawa at magkakaroon ng anak, hindi ako mag aatubiling ipangalan sya sa isa sa aking magiging anak na lalake.

Dahil kelan man hindi ko sya makakalimutan.

No "You" for Tomorrow Part III: Signs of Conclusion


Tumanda sya at lalong humina, mabuti nalang at may kakilala kaming marunong sa medisina, sa kanya ako nagtatanong ng mga gamot na ipapainom sa kanya, naging full time ang pag-aalaga ko sa kanya, sa partner ko. Nagpaalam muna ako sa trabaho ko, sinabi ko na magbabaksyon muna ako, nagpaalam ako ng isang buwan, ngunit inabot ng tatlong buwan ang leave ko. Sa unang buwan na wala ako sa aking opisina, panay ang tawag ng mga tao sa akin, tinatanong kung kelan daw ba ang aking balik.Pero lalong lumalala ang kalagayan ng pasyente ko, lalong hindi ko sya pwedeng iwan.
Isang araw gumising sya, nakahanda na ang kanyang almusal at gamot na iinumin, bago ko pa maisubo ang kanyang pagkain, napansin ko lumuluha ang kanyang mga mata. Nagtanong ako kung bakit sya umiiyak.Hindi sya nakasagot, hindi ko na pinansin iyon, mas mahalaga na mapuno ng lakas ang katawan nya ng pagkain kesa sa manghina sya kakaiyak. Tinuloy ko ang pagpapakain sa kanya.
Sa wakas nagsalita rin sya, hindi nya daw makaya na makita ang sitwasyon ko, pagod, puyat, payat. Hindi na daw ako pogi, kahit mahina na siya napapatawa parin ako ng matandang ito. Ipinaliwanag ko sa kanya katulad ng palagi kong sinasabi na hindi nya kailangan na maawa sa akin, pinili ko na gawin ito. Hindi ito labag sa aking kalooban, lahat ng iyon dahil sa pagmamahal ko sa kanya.
Sa sandaling iyon, saka ko lang napagtanto, Mahal ko nga talaga ang taong ito. Nakakainis kasi pati ako nakiiyak sa kanya.

No "You" for Tomorrow Part II:Following Destiny


Mula pa nang maging magkakilala kami, nabangit na nya ang kanyang aksidente sa daan, dahilan para mabali ang kanyang buto sa hita, nakakalakad pa naman sya, hirap nga lang. Akala ko maayos ang kanyang naging operasyon sa ibang bansa, akala din niya. Naayos ang kanyan nabaling buto, pero nagka komplikasyon naman sya sa ibang parte ng kanyang katawan.
Alam ko na may nararamdaman sya, ayaw nya lang ipaalam sa akin, o kung kanino man. Hindi ko alam kung bakit, maaring ayaw nya na mag-alala ako para sa kanya. Maari din na natatapakan ang Pride nya sa tuwing tinutulungan ko sya sa mga ginagawa nya. Ayaw nya na magmukhang inutil sya sa aking paningin, naiintindihan ko sya, pero hindi lingid sa akin na nahihirapan sya.
Mula sa pag akyat-baba sa hagdan, magbihis, kahit sa pagligo. Minsan nagbiro ako, "Pwede na pala ako mag care giver". Tingin ko hindi nya nagustuhan ang sinabi ko. Pero matagal na iyon, hindi ko na inulit.
Tumagal ng sampung taon ang pagsasama namin, minsan gusto ko itanong sa kanya kung sawa na ba sya sa akin, sa kakulitan ko, sa pagiging clumsy ko. Tingin ko oo, pero ako hindi kelan man nagsawa sa kanya. Parang naging pang araw-araw ko na, na responsibilidad na pagsilbihan sya, ayokong isipin na parang trapped ako sa kanya, wala akong magagawa kundi tulungan sya. Kung ang ibang tao siguro iiwan nalang sya bigla. Pero hindi ako, pinili ko sya na makasama, kaya makaka-asa sya na palagi akong andito sa likuran nya.

No "You" for Tomorrow Part I: We met...


Nakilala ko sya ng hindi inaasahan, bigla na lang syang dumating sa buhay ko, hindi ko inakala, pinangarap, o kung anu man. Hinayaan ko lang, bakit hindi ko sya subukan, baka sya na ang sagot sa sakit ng pagiisa ko.
Bente anyos na ako ngayon, doblehin mo ang edad ko yun ang kanyang gulang.Malayo, masyadong malayo, nagmumukha na akong anak niya pag magkasama kami. Hindi ko nakikitang hadlang iyon para sa aming pagsasama. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba, ganon naman ako eh, nakatira sa sarili kong mundo, kung sino man ang nagtangkang sumilip dito, hindi ko na kailangan na sabihin, pero kailangan mong tanggapin at yakapin ang kung ano man ang makikita mo.
Maayos naman ang aming naging pagsasama. Sa mga nagdaang taon, mas lalo ko syang nakikilala, lalo ko syang minahal. Hindi sya ung tipo ng tao na nakikita mo sa iyong panaghinip, walang espesyal sa kanya para sa ibang tao. Palibhasa matanda na, madami na syang nirereklamo sa buhay, mula sa ekonomiya ng bansa, polusyon sa kalsada, paggising sa umaga dahil sa ingay ng kapitbahay, hindi masarap na pagkain, biglang pagtigil ng mga sasakyan sa gitna ng daan, at marami pang iba. Nasasanay na rin ako sa kanya, ako nalang ang umiintindi, minsan kaya ko nang hulaan na iinit na naman ang kanyang ulo, napapa-iling nalang ako habang nakangiti. Alam ko narin ang paraan para mapahinahon sya, isang hagod lang sa kanyang malapad na likuran, alam na nya na inaamo ko sya. Buti naman at sumusunod parin sya saakin, kabaligtaran ko sya pagdating sa mga ganyang bagay, ayoko ng argumento, mahilig sya sa away, na kabaligtaran naman namin sa mga kaibigan. Mahilig ako makipag palitan ng idea sa aking mga maalapit na kakilala, hanggat alam ko na tama ako, hindi ako papatalo. Bubulungan nya nalang ako, "wala ka nang maisasagot dyan, tingin ko mas tama sya". Ngingitian ko nalang sya at titigil, sabay ng panunukso ng aking mga kausap, na sa wakas natigil narin ang aking pakikipag argumento.
Hindi ko alam kung anong tawag sa samahan namin, mag-asawa, magkapatid, matalik na magkaibigan, o simpleng partnership lang. Ayoko narin magsayang pa ng oras para isipin iyon, basta ang alam ko matagal na kaming magkasama.