"tignan mo ang sarili mo, dapat sa edad mong iyan may sarili kang pamilya, may asawa, mga anak, masayang family portrait. Ngunit hindi ko naibigay iyon sa iyo"
"Ngunit hindi naman iyon ang hinihingi ko eh, lumaki ako na hindi nakatingin sa aking papupuntahan, nakatutok ako sa daan na aking tinatahak, ayokong madapa, ayokong iyakan ang bagay na inaasahan kong dumating ngunit hindi napasaakin."
"Makinig ka, nararamdaman ko na pahina na ng pahina ang aking katawan, tingin ko hanggang dito nalang ako, pagnawala ako, gusto ko humanap ka ng iba, ng totoong magpapasaya sa iyo, bibigyan ka ng magandang kinabukasan, makukulit na mga anak..."
Hindi pa man sya tapos magsalita ay pinutol ko na ang kanyang sinasabi.
"Pwede ba? wag kang magsalita ng ganyan, kung mamamatay ka ngayon, uunahan na kita, tatalon ako sa bintana. Ang tagal na nating magkasama, nasanay na ako na kasama ka, kung mawawala ka, para akong mawawlan ng kamay, ng paa, parang mawawalan ako ng hangin na ihihinga. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin pag nawala ka."
"Kaya mo yan, ikaw pa." sabay ngiti.
Napatalikod nalang ako habang umiiyak. Nasigawan ko tuloy siya "Uminon ka magisa ng gamot mo!!" Sabay takbo sa kusina.
Ilang sandali lang ay tumahimik ang paligid, sa oras na iyon naramdaman ko na bumitaw na nga siya, iniwan na nya ako. Iniwan na ako ng makasarili kong kasintahan.
Ngayon nagiisa na ako, edad trenta, di ko alam kung ano na ang susunod na kabanata para sa aking buhay, marahil magsisimula ulit ako. Isipin nalang natin na ako ay isang estudyante sa kolehiyo na kakatapos ng ng aking kurso. Ayun, sa ganoon ako maguumpisa.
Una ay babalik ako sa aming probinsya, bibisitahin ko ang aking magulang, sampung taon ko rin silang hindi nakita. Sampung taon silang walang balita sa akin, baka ang akala na nga nila ay patay na ako, alam ko magugulat sila. Hindi rin nila alam ang tungkol sa nangyari sa akin, ang pakikipag relasyon ko sa kapwa ko lalake, ito na ang panahon para magtapat sa kanila, matanda na ako at may sapat na lakas ng loob para sabihin ang mga bagay na ito sa kanila. Iki-kwento ko sa kanila ang lahat tungkol kay Joseph, mga napagdaanan naming dalwa, mga natutunan ko sa kanya, lahat ng detalye tungkol sa kanya.
At kung sakali man na ako ay mag-aasawa at magkakaroon ng anak, hindi ako mag aatubiling ipangalan sya sa isa sa aking magiging anak na lalake.
Dahil kelan man hindi ko sya makakalimutan.